-- Advertisements --

Nilagdaan na ng Pilipinas at United Arab Emirates (UAE) ang makasaysayang Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA) sa pagitan ng Pilipinas at United Arab Emirates (UAE) ngayong araw ng Martes sa Abu Dhabi.

Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr at UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, ang paglagda sa Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA).

Sa panig ng Pilipinas si Trade and Industry Secretary Ma. Christina Roque ang lumagda sa kasunduan na ginanap sa sidelines ng Abu Dhabi Sustainability Week 2026.

Layunin nitong pababain ang taripa, palawakin ang market access ng mga produkto at serbisyo, palakasin ang pamumuhunan, at lumikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino sa UAE.

Kabilang sa mga sektor na saklaw ng kasunduan ang digital trade, MSMEs, sustainable development, at professional services. 

Inaasahang makikinabang ang mga produktong Pilipino tulad ng saging, pinya, de-latang tuna, at electronics.

Noong 2024, umabot sa halos US$1.83 bilyon ang kalakalan ng dalawang bansa. Inaasahang magpapataas ng mahigit siyam na porsiyento ang CEPA sa export ng Pilipinas sa UAE at magpapalakas ng ugnayang pangkalakalan sa Gulf region. 

Dumalo din sa paglagda si First Lady Liza Araneta Marcos.