Ngayong araw, personal na binisita ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang ilang mahahalagang ospital sa Quezon City.
Kabilang sa mga ospital na kanyang inikot at binisita ay ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC), ang Philippine Cancer Center (PCC), at ang National Kidney Transplant Institute (NKTI).
Sa kanyang pagbisita sa PCMC, agad napansin ni Secretary Dizon ang labis na pagkaantala sa konstruksyon ng kanilang bagong gusali na umabot na ng sampung taon.
Ang pangunahing dahilan umano ng pagkaantala ay ang patingi-tinging pagpopondo na natatanggap ng ospital para sa konstruksyon.
Dahil dito, ipinangako ni Secretary Dizon na kanyang paiimbestigahan ang mga proyektong nakatengga at sisikapin niyang mapabilis ang pagtatapos ng bagong gusali ng PCMC upang mapakinabangan na ito ng mga pasyente.
Kaugnay naman ng Philippine Cancer Center, tinatayang aabot sa ₱1.5 hanggang ₱1.8 bilyon ang kakailanganin upang tuluyang makumpleto ang pagtatayo ng 20-palapag na gusali nito.
Ang kabuuang halaga ng proyekto ay nagkakahalaga ng mahigit ₱3 bilyon.
Target ng pamahalaan na matapos ang konstruksyon ng Philippine Cancer Center sa taong 2027.
















