Nanawagan ang Philippine Constitution Association (PHILCONSA) sa Korte Suprema na muling pag-isipan ang desisyon nito kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, na nagsisilbi umanong banta sa balanse ng kapangyarihan na nakapaloob sa 1987 Constitution.
Sa apat na pahinang pahayag na nilagdaan ng kanilang chairman nito na si dating Chief Justice Reynato S. Puno, sinabi ng PHILCONSA na dapat muling suriin ang naturang desisyon ng SC dahil posibleng nilalabag nito ang mahahalagang prinsipyo ng Konstitusyon, kabilang na ang separation of powers at ang eksklusibong kapangyarihan ng Kamara de Representantes na magsimula ng proseso ng impeachment.
Binigyang-diin ng PHILCONSA, ang pinakamatandang nonpartisan na organisasyon sa bansa na nagtataguyod ng Konstitusyon, na naglabas ng desisyon ang Korte Suprema nang hindi dumaan sa pagsusuri ng trial court o Court of Appeals, at sa halip ay dumepende sa mga “dubious” at hindi napatunayang report.
Ipinahayag din ng PHILCONSA ang pagkabahala sa pagtakda ng Korte Suprema ng pitong bagong panuntunan para sa paghawak ng Kamara ng mga impeachment case, na ayon sa grupo ay lumalabag sa probisyon ng Konstitusyon na nagbibigay ng eksklusibong kapangyarihan sa Kamara upang simulan ang impeachment.
Binigyang-diin din ng grupo na ang mga miyembro ng Kamara ay inihalal ng taumbayan at sila ang may pananagutan sa mga ito, hindi sa Korte Suprema. Nagbabala rin ang PHILCONSA na ang pagbibigay kapangyarihan sa hudikatura upang suriin ang “sufficiency of evidence” at “reasonableness of time” ay panghihimasok sa kalayaan ng lehislatura.
Tinutulan din ng asosasyon ang rekisito na bigyan ng due process ang respondent sa yugto ng impeachment sa Kamara, na ayon sa kanila ay hindi angkop na lugar para rito, kundi ang paglilitis sa Senado.
Ayon sa PHILCONSA, pinahihina ng bagong mga panuntunan ng Korte Suprema ang konstitusyonal na kapangyarihan ng Kamara kaya’t dapat itong muling pag-aralan.
Sa kanilang pagtatapos, binalaan ng PHILCONSA ang Korte Suprema laban sa sobrang panghihimasok at nanawagan ng paggalang sa hangganan ng kapangyarihan ng bawat sangay ng pamahalaan.