KALIBO, Aklan—Nagbabala ang grupo ng mga magsasaka na gagamitin ng rice traders ang mataas na presyo ng produktong langis upang baratin ang mga magsasaka sa mababang presyo ng palay ngayong panahon ng anihan.
Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupong Bantay Bigas, kahit malayo tayo sa Middle East, naramdaman natin ang impact ng gyera pagdating sa ekonomiya dahil ang Pilipinas ay number 1 importer ng langis.
Kaugnay nito, lalo pang tumaas ang presyo ng produktong petrolyo kung saan, sumabay naman dito ang mga pangunahing bilihin na lalo pang nagpapabigat sa pasanin ng ordinaryong mamamayan.
Hindi aniya tumataas ang sahod ng mga minimum wage earners kung saan, ang kanilang kita ay kulang na sa kanilang pang-araw-araw na gastusin lalo na sa pagkain.
Dahil dito, nagbabala si Estavillo na baka hindi na kayanin ng publiko na pakainin ng sapat ang buong pamilya dahil sa unti-unting tumataas ang presyo ng bigas sa mga palengke.
Batay sa kanilang huling monitoring mula nang magkaroon ng tensyon sa Middle East dalawang linggo na ang nakakaraan, nasa P44 hanggang P46 bawat kilo ang presyo ng regular milled rice; P47 hanggang P49 per kilo naman ang well-milled rice at P52 hanggang P55 bawat kilo ang premium rice.














