-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nasa mahigit isang libo nalang ang bilang ng natitirang aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Pilipinas.

Ito ang ibinunyag ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, matapos ang huling bakbakan ng tropa nga 8th Infantry Division sa Las Navas, Northern Samar.

Sa nasabing insident, kompirmadong patay ang walong NPA fighters na itinututing nang mga bandido ng kasundaluan.

Ayon sa kanya, nananatiling alerto ang mga tropa sa kabila ng kawalan ng malalaking insidenteng inilunsad ng mga rebelde, lalo na sa mga liblib na barangay.

Pinuri ng Philippine Army ang walang humpay na community efforts ng kanilang hanay, dahil sunod-sunod ang pagsuko ng mga dating gerilya kasama ang kanilang mga armas, partikular sa 4th Infantry Division (4ID) at sa rehiyon ng CARAG

Sa pagkakatalaga ng bagong hepe ng Philippine Army na si Lt. Gen. Antonio Nafarrete, tiwala si Col. Dema-ala na unti-unting mawawala ang mga hadlang sa kaunlaran sa mga lugar na dating pinamugaran ng mga komunista.

Aniya, sa pag-upo ni Nafarrete, prayoridad nito ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga sundalo sa pamamagitan ng edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at sapat na pagsasanay sa kasanayan.

Patuloy rin ang panawagan ng Philippine Army sa mga rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan upang makamit ang libreng pabahay, trabaho, at mamuhay nang marangal at mapayapa.