Iniulat ng Department of Health (DOH) na ilan sa mga biktima ng paputok ang nagtamo ng paso at naputulan ng daliri matapos masabugan sa magkahiwalay na insidente.
Ayon sa ahensiya, isang waling taong gulang na bata ang nalagasan ng hintuturo at hinlalaki nang masabugan ng whistle bomb habang ang isang biktima naman na 16 anyos na bata ay naputulan din ng dalawang daliri matapos masabugan naman ng 5-star.
Base sa huling datos ng DOH, nagtamo aniya ng iba’t ibang sugat at paso sa magkakaibang parte ng katawan ang lahat ng 57 naitalang biktima ng paputok mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 26 ng kasalukuyang taon.
Bagamat mas mababa ito ng 49% kumpara sa 112 na kasong naitala sa parehong panahon noong 2024, muling nagpaalala ang DOH sa peligrong dulot ng mga paputok, ito man ay iligal o legal.
Paalala rin ng ahensiya na agad dalhin sa ospital kung may aksidente dulot ng paputok at maaaring tumawag sa National Emergency hotline 911 para sa emergency medical assistance.
















