Nagsagawa ng search operation ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Cordillera Administrative Region sa hotel sa Baguio City kung saan huling nanuluyan si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral bago siya masawi.
Sa isang Facebook post, sinabi ng NBI na hinalughog ng kanilang mga ahente ang kuwarto ni Cabral sa bisa ng search warrant na inisyu ni Regional Trial Court–Baguio City Branch 6 Judge Michael Francisco.
Pinahintulutan ng korte ang pagkuha ng mga ebidensiyang maaaring makatulong sa paglilinaw ng mga pangyayari kaugnay ng pagkamatay ni Cabral.
Ayon sa NBI, nakatuon ang operasyon sa pag-secure ng mga rekord at iba pang materyales na may kaugnayan sa patuloy na imbestigasyon.
Nanawagan naman ang mga awtoridad sa mga motorista na dumaan sa Kennon Road noong Disyembre 18 na magsumite ng kanilang dashcam footage na maaaring makatulong sa imbestigasyon, sa gitna ng iba’t ibang espekulasyon.















