Nilinaw nina Rep. Leandro Leviste at Rep. Terry Ridon na wala silang nakaraang alitan bago pa man lumabas ang isyu ng budget insertions.
Matatandaang inakusahan ni Leviste si Ridon na may insertions umano ito noong nakaraang taon para sa 2025 budget.
Subalit buwelta ni Ridon, hindi siya miyembro ng Kongreso noong nakalipas na 19th Congress kaya wala siyang paraan para makapaglagay ng budget insertions.
Bandang huli, binago ni Leviste ang kanyang pahayag at sinabing ang may insertion ay ang party-list na kinatawan ni Ridon.
Gayunman, iginiit ng dalawang mambabatas na wala silang personal na conflict kahit bago pa naging kongresista si Ridon.
Samantala, muling binatikos ni Leviste ang sistema ng paglalagay ng allocables sa badyet bilang “reward.”
Aniya, tinatawag itong allocables at incentives na awtomatikong ibinibigay sa mga kongresista kahit bago pa magsimula ang deliberasyon sa budget.
Ayon kay Leviste, lumalabas itong parang gantimpala o reward system na nakapaloob sa proseso ng badyet, dahil nakukuha ng bawat kongresista ang nakatakdang halaga taon-taon.
















