-- Advertisements --

Inihayag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na nilapitan umano siya ng isang indibidwal na nagpakilalang staff ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing at inalok ng mga budget item na nagkakahalaga ng P151 milyon bilang umano’y “incentive” bago ang botohan sa 2026 national budget.

Ayon kay Leviste, ang indibidwal na nagpakilalang “Attorney Jolina,” na sinasabing staff ng House Appropriations Committee chair, ay humiling ng isang lihim na pagpupulong at nagpakita ng dokumento isang linggo bago ang budget vote.

Ipinakita ni Leviste ang larawan ng papel na naglalaman ng mga alokasyon mula sa iba’t ibang ahensya. Nagbahagi rin siya ng hiwalay na dokumento na umano’y ipinakita sa ibang kongresista na may kabuuang P250 milyon.

Giit ni Leviste, hindi niya kinukuwestiyon ang mismong alokasyon kundi ang kawalan ng malinaw na paliwanag at transparency kung bakit may ibinibigay na “incentive” bago ang botohan sa budget.

Dagdag pa niya, kung ginagamit ang pondo ng bayan bilang insentibo sa mga mambabatas bago ang pag-apruba ng 2026 budget, dapat itong malaman ng publiko lalo’t inaasahang iraratipika ng Kongreso ang badyet sa susunod na linggo.

Wala pa namang pahayag dito si rep. Suansing o sinuman sa kaniyang staff.