Naghain ng reklamo si Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin laban kay Batangas Rep. Leandro Leviste, bilang chairman at pesidente kasama ang board members ng Solar Para Sa Bayan Corp. (SPSB) nitong Mayo 6 sa Department of Justice.
Inakusahan sila ng kabiguang tuparin ang obligasyon sa 25-year franchise na magbigay ng kuryente sa mga liblib na lugar.
Ayon sa DOE, pitong taon na ang nakalipas mula nang bigyan ng prangkisa noong 2019 ang kumpaniya subalit hindi umano nagamit o nakapag-operate nang maayos, na paglabag sa Republic Act 11357.
Sinasabing “knowingly and willfully neglected, failed, or omitted” ang kumpanya na gawin ang kanilang tungkulin, ayon sa reklamo na isinampa sa DOJ.
Nakasaad din sa dokumento na malala pa rito sa nasabing mga taon, patuloy na nagbigay ng renewable energy ang kumpaniya para kumita sa pamamagitan ng ilang grupo ng mga kompaniya sa ilalim ng Solar Philippines Power Project Holdings Inc., isang korporasyon na isang-daang porsyentong pagmamay-ari ni Leviste.
Una na ngang nabigyan ng 25 taong non-eclusive franchise ang SPSB sa ilalim noon ng liderato ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, tinawag namang “super duper weak” ni Leviste ang reklamo at sinabing nalaman lang niya ito sa media.
Ang kaso ay kasalukuyan pang sinusuri ng DOJ at hindi pa pormal na naka-docket o nasa listahan ng mga kaso na nakatakdang talakayin ng korte.















