-- Advertisements --

Naglabas ang Department of Energy (DOE) ng show cause orders laban sa 175 power generation companies sa buong bansa dahil sa hindi pagsusumite ng kinakailangang self-assessment forms.

Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, bahagi ito ng hakbang ng ahensya upang matugunan ang mga sapilitang shutdown o forced outages at matagal na pagbaba ng kapasidad ng mga planta na nakakaapekto sa suplay ng kuryente at sa mga konsyumer.

Sinabi ni kalihim na kabilang sa mga paglabag ang hindi pagsunod sa minimum fuel stock requirement na mahalaga upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.

Binigyang-diin naman ng DOE na hindi nangangahulugang nagkasala na ang mga kumpanya dahil bibigyan pa sila ng pagkakataong magpaliwanag.

Ngunit kung mabibigong makapagbigay ng sapat na paliwanag, maaari silang mapatawan ng parusa, kabilang ang kanselasyon ng kanilang permit to operate.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim pa rin ng yellow at red alert ang Visayas Grid dahil sa sapilitang paghinto ng operasyon ng ilang planta ng kuryente.