-- Advertisements --

Mahaharap sa mabigat na parusa at pagkakakulong ang mga kumpaniya ng langis na lalabag sa itinakdang limitasyon sa oil price adjustments.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, nakahanda ang kanilang ahensiya na mag-isyu ng show-cause orders laban sa mga kumpaniya ng langis na hindi tatalima sa itinakda ng pamahalaan na adjustments.

Bagamat sa ngayon ay compliant o sumusunod ang bawat kumpaniya sa itinakdang adjustments, babala ng kalihim sa mga lalabag na maaari silang maharap sa mga parusa na makakaapekto sa kanilang permit to operate.

Ayon naman kay DOE Oil Industry Management Bureau director Rino Abad, mahaharap sa tatlong buwan hanggang isang taong pagkakakulong ang mga kumpaniya ng langis na lalabag at multang papalo mula P50,000 hanggang P300,000.

Ginawa ng DOE officials ang pahayag matapos mabigyan ng kapangyarihan ang pamahalan na magdikta o limitahan ang price adjustments sa gitna ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado bunsod ng tensiyon sa Middle East. Ito ay kasunod ng pagdedeklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng state of national emergency sa bansa.