-- Advertisements --

Sinimulan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng P10 kada litrong fuel subsidy para sa public utility jeepneys sa Metro Manila ngayong Martes, Abril 14.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, inisyal na saklaw ng programa ang mga tsuper ng dyip saka ito papalawigin sa iba pang sektor ng pampublikong transportasyon gaya ng bus, at transport network vehicle services.

Tatakbo ang programa sa loob ng tatlong buwan, kung saan papayagan ang mga tsuper na mag-claim ng mga diskwento ng hanggang 150 litro kada linggo, o katumbas ng hanggang P1,500 ang matitipid.

Ipinaliwanag ng kalihim na ang itinakdang cap ay sumasalamin sa lingguhang konsumo sa langis ng public utility drivers at para mapigilan ang pag-abuso rito.

Base sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sinabi ni Sec. Garin na inaasahang nasa 18,000 jeepney drivers ang magbebenepisyo mula sa pilot program.