Nanganganib na maharap sa suspensiyon ang 40 planta ng kuryente dahil sa kawalan ng aksiyon sa gitna ng patuloy na manipis na suplay ng kuryente sa rehiyon, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.
Kung maaalala, nauna nang nag-isyu ang DOE ng 203 show-cause order sa power generation companies sa buong bansa noong Hulyo dahil sa kanilang kabiguang magsumite ng mandatoryong self-assessment report na naglalayong mamonitor ang kakayahan ng planta na gumana nang maayos gayundin ang outages.
Ayon sa kalihim, nagbigay na ang kagawaran ng warning sa power generation companies at nasa proseso na sila ng pagrekomenda ng suspensiyon na ipadadala sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Hindi naman na pinangalanan ng kalihim ang mga operator na nakaambang suspendihin, subalit kabilang umano sa listahan ang maliliit na planta ng diesel.
Ang Visayas region ay matagal nang nakararanas ng isyu sa suplay ng kuryente, kung saan halos araw-araw itinataas ito sa yellow alert at sa ilang pagkakataon sa red alert kapag hindi na sumasapat ang suplay para matugunan ang kinakailangang suplay ng kuryente.















