-- Advertisements --

Target ng pamahalaan na makapagtayo ng isang oil reserve storage bago matapos ang 2027 o sa unang bahagi ng 2028 upang mabawasan ang epekto ng matinding pagtaas ng presyo ng langis at posibleng pagkaantala ng suplay ng krudo.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na aabutin ng humigit-kumulang isang taon ang konstruksyon ng pasilidad na may kapasidad na isang milyong bariles ng langis.

Ayon sa kalihim, posible itong makumpleto sa kasalukuyang administrasyon, kabilang ang pagkuha ng mga permit, pag-aangkat ng mga kagamitan, at iba pang kinakailangang proseso.

Tinatayang aabot sa P5 bilyon ang halaga ng proyekto, kaya nakikipag-ugnayan na ang Department of Energy at Philippine National Oil Company sa Maharlika Investment Corporation para sa pondo.

Binigyang-diin din ni Garin na mahalaga ang pagkakaroon ng sariling oil reserve ng bansa bilang bahagi ng pambansang seguridad, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng kamakailang krisis sa Gitnang Silangan.