Sisimulan na bukas,Lunes,August 11,2026 ang pagtalakay ng House of Representatives sa panukalang ₱7.2 trilyong pambansang badyet para sa 2027.
Ayon kay Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., itinakda ni Nueva Ecija Rep. Michaela Suansing, chairperson ng House Committee on Appropriations, ang deliberasyon sa Lunes.
Noong nakaraang Martes, isinumite ang panukalang badyet acting Budget Secretary Kim Robert de Leon sa House of Representatives.
Magsisimula ang deliberasyon sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) tungkol sa pagkukunan ng pondo, laki ng gastusin at mga panukalang badyet ng mga departamento, ahensya at government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Kasama sa DBCC ang Department of Budget and Management (DBM), Department of Economy, Planning and Development (DEPDev), Department of Finance (DOF), at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa Martes naman, makikinig ang House appropriations panel sa briefing ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ipinaliwanag ni Abante na ang isinumite sa Kongreso ay ang National Expenditure Program (NEP), o bersyon ng panukalang badyet ng ehekutibong sangay ng gobyerno. Hindi pa ito ang pinal na pambansang badyet.
Dadaan pa sa pagtalakay at pag-apruba ng House at Senado ang panukala bago ito maging General Appropriations Bill.
Kung magkaiba ang bersyon ng House at Senado, bubuo ng bicameral conference committee upang pag-isahin ang kanilang mga panukala.
Pagkatapos nito, kailangan pa itong pagtibayin ng dalawang kapulungan bago ipadala sa Pangulo para lagdaan.
Kapag nilagdaan ng Pangulo, magiging batas ang panukala at tatawagin itong General Appropriations Act o pambansang badyet.
Binigyang-diin ni Abante na dapat maging bukas at malinaw sa publiko ang proseso ng pagtalakay sa badyet dahil pera ng mga nagbabayad ng buwis ang ginagamit dito.
Batay sa Department of Budget and Management, kabilang sa may pinakamalalaking alokasyon sa panukalang 2027 budget ang mga sumusunod:
Department of Education (DepEd) — ₱976 bilyon
Department of Public Works and Highways (DPWH) — ₱644 bilyon, kabilang ang mahigit ₱100 bilyon para sa flood control
Health Sector — ₱353.8 bilyon para sa DOH at PhilHealth
Department of the Interior and Local Government (DILG) — ₱332.5 bilyon
Department of National Defense (DND) — ₱328.8 bilyon
Transport Sector — ₱302.2 bilyon
Agriculture Sector — ₱261.7 bilyon
Department of Social Welfare and Development (DSWD) — ₱241.6 bilyon
State Universities and Colleges (SUCs) — ₱176.5 bilyon
Judiciary — ₱86.3 bilyon
















