Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 127 kaso ng noncommunicable diseases mula nang mag-umpisa ang holiday.
Base sa latest surveillance data, ang acute stroke ang nakapagtala ng pinakamaraming bilang na nasa 81 cases, sinundan ito ng acute coronary syndrome o heart attack na nasa 30 cases at may 16 na kaso ng bronchial asthma.
Ayon sa DOH, mga kalalakihan ang karaniwang tinatamaan ng stroke at heart attack habang ang bronchial asthma naman ay madalas na nararamdaman ng mga kababaihan.
Samantala, nakapagtala ang National Center for Mental Health ng 451 tawag sa kanilang hotline na 1553 kung saan peak volume ay naitala noong Disyembre 23.
Pinakamaraming natanggap na tawag ay mula sa mga nasa edad 18 anyos hanggang 30 anyos kung saan mayorya ay mga kababaihan.
Pangunahing dahilan ng kanilang paghingi ng tulong ay dahil sa anxiety at sintomas ng depression, love o relationship concerns at problema na may kaugnayan sa pamilya.
Kaugnay nito, hinihimok ng DOH ang publiko na iprayoridad ang mental health sa gitna ng holiday stressor at humingi ng propesyunal na suporta kung kinakailangan.















