Iniulat ng Criminal Investigation and Detection Group National Capital Region (CIDG NCR) na naaresto na sa ibang bansa ang 48 pang at-large at co-accused sa human trafficking charges base sa salaysay ng inarestong administrative officer ng Lucky South 99 na si “Boss Terry.”
Ayon kay CIDG NCR chief Col. John Guiagui, ilang banyagang co-accused ay naaresto sa Thailand, Singapore, China, at Cambodia, habang ang iba ay Pilipino.
Kapag nakumpirma aniya ang naturang impormasyon, makikipag-ugnayan ang CIDG sa Bureau of Immigration o Interpol para maisakatuparan ang mga arrest warrants mula sa korte sa Pampanga.
Nitong Lunes, naaresto si Boss Terry sa may Angeles City, Pampanga. Nauna na ring naaresto ang dalawang co-accused sa Pampanga. Kasama rin sa kaso sina dating presidential spokesperson Harry Roque, na nasa Netherlands, at negosyanteng si Cassandra Ong, na posibleng nasa China.














