-- Advertisements --

Binatikos ni Atty. Harry Roque ang International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y hindi na nasusunod ang tunay na batayan ng hurisdiksyon nito, bilang isang hukuman.

Binigyang-diin ng ICC-accredited lawyer na nagpupumilit ang international tribunal na maglitis ng isang bansa sa kabila ng kawalan ng hurisdiksiyon.

Pinuna rin nito ang umano’y panghihimasok ng naturang korte sa mga bansa na hindi miyembro ng Rome Statute kung saan walang awtoridad ang international court na magsagawa ng paglilitis.

Tinukoy ng abogado ang kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte (FPRRD) na sa kabila ng matagal nang pagkalas ng Pilipinas sa hurisdiksiyon ng ICC ay naglabas pa rin ito ng warrant of arrest.

Iginiit ng dating Duterte appointee na ang kasalukuyang sitwasyon ng ICC, kung saan nahaharap sa iba’t-ibang sanctions ang ilang judges at prosecutors nito, ay dapat isisi sa mismong korte.

Katwiran ng abogado, kinalimutan umano nito na ang hurisdiksiyon ng hukuman ay nakasalalay sa pahintulot at pagkilala ng mga bansa sa mismong otoridad ng naturang korte.