-- Advertisements --

Arestado sa Angeles City, Pampanga ang ikatlo sa mga akusado sa kasong human trafficking na kinasasangkutan nina dating presidential spokesman Atty. Harry Roque at negosyanteng si Cassandra Ong, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Kinilala ang suspek bilang isang 44-anyos na Chinese national na kilala sa alyas na “Boss Terry,” na umano’y administrative officer ng POGO hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.

Ayon sa CIDG, siya rin ang sinasabing nangangasiwa sa pananakit at pagpapahirap sa mga Chinese POGO workers.

Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Angeles City Regional Trial Court Branch 118 noong Mayo dahil sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, at walang inirekomendang piyansa.

Nauna nang naaresto ang dalawa pang akusado sa magkahiwalay na operasyon sa Mabalacat City at Clark. Samantala, kasalukuyang nasa Netherlands si Atty. Roque matapos humingi ng asylum, habang sinasabing maaaring nasa China na si Cassandra Ong, bagama’t ayon sa Bureau of Immigration, wala silang rekord ng kanyang pag-alis sa Pilipinas.