-- Advertisements --

Patuloy ang hog repopulation program sa ilang lugar sa Luzon, kabilang na ang Pangasinan matapos ang matinding epekto ng African Swine Fever (ASF) noong mga nakaraang taon.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), nakatulong ang repopulation efforts sa pagbaba ng presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan.

Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), bumaba ang average retail price ng baboy ngayong Pebrero 2026 kumpara sa nakaraang taon, kung saan umabot pa sa P400 kada kilo ang presyo noong Abril 2025.

Ayon kay Engr. Rosendo So, chairman ng SINAG, muling nagkaroon ng kumpiyansa ang mga hog raisers na mag-invest sa produksyon dahil sa repopulation.

Dagdag pa rito, nakatulong ang pagbaba ng farmgate prices at mas mahigpit na monitoring laban sa overpricing.

Samantala, nananawagan ang National Federation of Hog Farmers na ibalik sa mas mataas na antas ang pork tariffs upang maprotektahan ang lokal na industriya laban sa imported na karne.

Sa kabuuan, nakikitang positibo ang epekto ng repopulation efforts sa Pangasinan, dahil bukod sa mas mataas na supply para sa mga hog raisers, nagdudulot din ito ng mas abot-kayang presyo ng karneng baboy para sa mga konsumer.