Wala umanong rason para tumaas ang presyo ng mga inangkat na bigas na dumating bago maging epektibo ang importation ban ngayong Setyembre 1, na simula ng import ban.
Ayon kay Engr. Rosendo So, Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) chairperson, nakuha pa ng mga importer sa mababang presyo ang mga inangkat nilang bigas.
Samantala, sinabi pa ni So na bumaba pa ang presyo ng special rice mula sa Thailand base sa kanilang monitoring.
Matatandaang epektibo na ang Executive Order Number 93 ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagsususpinde sa pag-aangkat ng regular at well-milled rice, sa loob ng 60 araw.
Giit ng SINAG official, wala dapat inaasahang malaking pagtaas sa presyo ng bigas sa bansa, lalo’t nagsimula na ang anihan noong nakaraang buwan.
Sinang-ayunan din ng iba pang farmer’s group ang mga pahayag ng nasabing organisasyon.