-- Advertisements --

Ipinapasilip ngayon ng Samahang Industriya ng Agrikultura sa pamunuan ng Department of Agriculture ang namonitor na malaking price gap sa farmgate at retail ng manok sa mga merkado.

Ginawa ng grupo ang naturang panawagan kasunod ng pagpapalabas ng DA ng import ban sa manok na nagmula sa bansang Brazil dahil sa sakit sa hayop na kumalat duon.

Sa monitoring ng SINAG, aabot ngayon sa P90 hanggang P120 ang kada kilo ang farmgate price ng manok pero ang presyo nito sa mga pamilihan ay sumisipa pa rin sa P200 hanggang P250 kada kilo.

Kumbensido ang grupo na hindi makatarungan ang malaking agwat na ito na dapat aniya ang presyo ng manok sa merkado ay naglalaro lamang sa P180 to P185 kada kilo.

Sa isang pahayag ay iginiit ni SINAG Executive Director Jayson Cainglet na ang umiiral na distorted pricing ay malaki ang epekto sa mga mamimili ng nasabing produkto.

Dapat lamang aniya na ang manok ang nagsisilbing alternatibo ng mga mamimili sa kabila ng mataas na presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan sa bansa.