-- Advertisements --

Bumwelta si Palace Press Officer USec. Claire Castro sa naging pahayag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na tinawag na repleksyon ng gross ignorance of the law ang sinabi ni Castro na hindi raw dapat tulungan ng department agents ng Philippine Embassy ang isang Pilipino na umanoy pugante.

Nag-ugat ang isyu sa kumalat na larawan ni Roque kasama si Philippine Ambassador Luli Arroyo-Bernas, na kalauna’y napag-alamang kuha pa noong 2023, na una nang nilinaw ni Castro sa isang vlog at muling ipinaliwanag sa press briefing sa Malacañang.

Ayon kay Castro, kung napanood o napakinggan sana nang buo ni Roque ang kanyang content, hindi umano sana nabaluktot ang konteksto ng kanyang pahayag.

Ipinaliwanag nya na malinaw nyang sinabi na walang bagong larawan ang dalawa at hindi dapat pahiran ng anumang akusasyon ang ambassador, lalo’t hindi anya maganda para sa isang kinatawan ng Pilipinas ang magkanlong ng isang fugitive.

Binigyang-diin ng Palasyo na magkaiba ang kahulugan ng harboring o pagkakanlong at ng simpleng pagbibigay ng tulong. Ang harboring ay tumutukoy sa pagtatago o pagkukubli sa isang fugitive upang makaiwas sa proseso ng batas, at hindi nangangahulugang ipagkait ang consular assistance o tulong ng pamahalaan.

Nilinaw rin ni Castro na sinusuportahan pa nga nya ang pagbibigay ng tulong ng Philippine Embassy upang mapauwi sa bansa ang isang fugitive at harapin ang mga kinakaharap na kaso alinsunod sa due process.