Naghain ng ‘memorandum’ si former Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa Kataas-taasang Hukuman ukol sa mga kasong may kinalaman kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa naturang abogado, kanilang isinumite sa Korte Suprema ang ‘memorandum’ bilang kinatawan ni Davao City Rep. Paolo Duterte kaugnay sa mga legal na argumento sa mga petisyon kumukwestyon sa pagkakaresto ng dating Pangulo tungo International Criminal Court.
Sa pahayag ni Atty. Harry Roque, alinsunod raw ang paghahain ng memorandum sa kautusan ng Korte Suprema na magsumite ng kanilang memoranda sa loob ng 30 araw ukol sa mga petisyong Habeas Corpus, Certiorari at Prohibition.
Naniniwala aniya silang kahit ano pa man ang mangyari o gawing hakbang ng International Tribunal hinggil sa kaso ni Duterte, ay dapat pa ring matuldukan ng Korte Suprema ang patungkol sa isyu ng umano’y ilegal na pagkakaaresto.
Sa naturang memorandum, muling nanindigan si Congressman Paolo Duterte sa pamamagitan ni Atty. Roque na ang pagkakaaresto at patuloy na pagkakadetene sa dating pangulo ay hindi naaayon sa saligang batas o maituturing bilang ‘unconstitutional’.
Ilan sa mga argumentong ipinunto ng kampo ni Duterte ay ang kawalan ng hurisdiksyon ng International Criminal Court sa bansa matapos kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute noon pang 2019.
Giit niya’y ang pakikipagtulungan o koordinasyon ng mga awtoridad sa naturang korte ay nagpapakita ng paglabag sa konsititusyon at soberanya ng bansa.
Bagama’t ang naturang isyu o petisyon ay maaaring maituring na bilang ‘moot’ sapagkat si Duterte ay hawak na ng International Tribunal, ayon kay Atty. Roque, dapat pa rin itong mapapagdesisyunan ng Korte Suprema.
Ito aniya’y upang hindi na rin maulit pa sa iba tulad ni Senador Bato Dela Rosa na may kaparehong kasong kinakaharap din umano sa International Criminal Court.
Dahil rito’y umaasa ang kanilang kampo na diringgin ng Kataas-taasang Hukuman ang petisyon sa kabila ng walang kasiguraduhan kung maglalabas man ito ng desisyon ukol sa mga merito ng kaso.
















