-- Advertisements --

Nagsimula nang maglunsad ang China nang pinakamalawak nitong military exercises sa paligid ng Taiwan nitong Lunes, Enero 1, 2026, kung saan layong ipakita ng China ang kakayahan nilang putulin ang ugnayan ng Taiwan sa iba pang mga bansa at hamunin ang kahandaan ng Taipei pagdating sa kanilang defense military.

Ayon sa Eastern Theatre Command ng China, kabilang sa “Justice Mission 2025” ang pagdeploy ng mga tropang sundalo, warship, fighter jet, at artillery upang magsagawa ng live-fire drills, simulated strikes, at sanayin ang mga tropa nito sa posibleng pagharang sa mga pangunahing pantalan ng Taiwan.

Umabot sa pitong zones ang saklaw ng war games kung saan magpapatuloy sa Martes, Enero 2.

Iniulat ng Taiwan na may iba pang zones drill na isinagawa ang Beijing nang walang abiso, habang naapektuhan ang biyahe ng mahigit 100,000 pasahero kung saan nakansela ang ilang domestic flights.

Ito ang ikaanim na malakihang war games ng China sa paligid ng Taiwan mula noong 2022.

Samantala mariing kinondena ng Taiwan ang mga aktibidad ng China sa paligid nito at iginiit na tanging mamamayan lamang ng Taipei ang may karapatang magpasya sa kinabukasan ng isla.

Bukod dito nagbabala din ang Taiwan na ang mga live-fire drills ay banta hindi lamang sa Taiwan kundi sa iba pang rehiyon.

Napagalaman na ang mga military exercise ng China ay isinagawa ilang araw matapos aprubahan ng Estados Unidos ang pinakamalaking arms sales package nito para sa Taiwan, na una nang tinutulan ng Beijing.