-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pahayag na ginagawang sentro ng pagsasanay ng terorismo ang Pilipinas.

Tugon ito ng Pangulo kasunod ng Bondi Beach mass shooting sa Australia kung saan 15 indibidwal ang nasawi.

Napaulat kasi na bago naganap ang mass shooting galing sa Pilipinas ang mag-amang suspek.

Iginiit ng Punong Ehekutibo na matagal nang kumikilos ang pamahalaan upang buwagin ang mga teroristang grupo at mapanatili ang kapayapaan ng bansa.

Sa ika-90 anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo, binigyang-diin ng Pangulo na hindi katanggap-tanggap ang ganitong maling paratang at tiniyak ang patuloy na pagpapalakas sa kakayahan at kahandaan ng militar.

Pinuri rin ni Marcos ang kabayanihan ng mga pinarangalan na kawani ng AFP at muling pinagtibay ang suporta ng administrasyon sa kapakanan ng mga sundalo, kabilang ang pag-apruba sa Executive Order No. 107 na magtataas ng base pay ng military at uniformed personnel simula Enero 2026.

Ayon sa Pangulo, patunay ang mga hakbanging ito ng pasasalamat ng pamahalaan sa araw-araw na serbisyo at sakripisyo ng AFP para sa bansa.