LAOAG CITY – Nakahanda ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa posibleng epekto ng bagyong Paolo dito sa Ilocos Norte na nakakaranas na ng katamtamang lakas ng ulan.
Ayon kay Mr. Randy Nicolas, Local Disaster Risk Reduction and Management Office IV ng Ilocos Norte, partikular na tinututukan nila ay ang mga lugar na palaging binabaha at pagguho ng lupa.
Sinabi nito na mahigpit ang koordinasyon nila sa mga ibang lokal na pamahalaan upang masiguro na ligtas ang mga kababayan.
Nakaantabay rin ang mga kasapi at equipment ng DPWH 1st Engineering District sa Barangay Pancian sa bayan ng Pagudpud at agad na magsagawa ng clearing operations kung may pagguho ng lupa.
Maliban dito, may direktiba na umano si Gov. Cecilia Araneta-Marcos na punuin ang mga bodega ng food packs na maipapamahagi sa mga kababayang maapektuhan ng Bagyong Paolo.
Samantala, sinuspendi ni Gov. Marcos ang klase sa lahat ng antas sa pampuliko at pribadong paaralan sa Ilocos Norte at inabisuhang mag-ingat.
Sa ngayon ay wala pa namang masyadong epekto ang bagyo sa lalawigan ng Ilocos Norte.