-- Advertisements --

Tinawag ng depensa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na “ganap na walang katotohanan” ang inilabas na listahan ng International Criminal Court (ICC) na naglalaman ng mga pangalan ng umano’y co-perpetrators o kasabwat sa kasong crimes against humanity.

Ayon sa lead defense counsel na si Nicholas Kaufman, halos isang taon nang alam ng kampo ng dating Pangulo ang pagkakakilanlan ng mga sinasabing kasabwat.

Aniya, alinsunod sa patakaran ng korte, mahigpit nilang iningatan ang pagiging confidential ng mga pangalang ito. Dahil dito, pinabulaanan niya ang alegasyong maaaring malagay sa panganib ang integridad ng imbestigasyon ng prosekusyon sakaling mapagbigyan ang interim release ng dating pangulo.

Giit ni Kaufman, patutunayan nilang walang basehan ang mga paratang laban sa mga pinangalanang co-perpetrators sa pre-trial hearing ng kaso ni dating Pang. Duterte sa susunod na Linggo. Sa ngayon, sa palagay ni Kaufman ay wala sa mga ito ang kasalukuyang may warrant of arrest.

Tinawag din ng lead counsel na “sensational” at may motibong pulitikal ang paglalabas ng listahan, at iginiit na hindi makatuwiran ang paghiling ng karagdagang warrant bago pa maresolba ng ICC Appeals Chamber ang usapin ng hurisdiksyon na kinukuwestiyon ng dating pangulo.

Tinutukoy ni Kaufman ang pagkwestyon sa ruling noong November 14 na nagpapatibay sa hurisdiksiyon ng ICC sa kaso nga dating Pangulo.