Nalikas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 17 mangingisda na namataan malapit sa Bajo de Masinloc matapos na masira ng isang floating log ang propeller ng kanilang bangka.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na nakatanggap ng isang signal ang BRP Teresa Magbanua mula sa FB Cassandra na isang fishing vessel, Huwebes ng umaga.
Binigyang diin ni Tarriela na urgent ang rescue operation dahil nasa loob ng expected drop zone ng rocket launching ng China ang naturang fishing vessel.
Agad naman na nagsagawa ng towing operation ang PCG sa kabila ng malalakas na hangin at matataas na hampas ng alon na may taas na halos 6ft.
Ngayong Biyernes ng umaga naman ay naabot ng BRP Teresa Magbanua ang katubigan sa bahagi ng Mariveles, Bataan kung saan inilipat ang towing line sa tugboat na TB Lucida.
Samantala, ayon pa kay Tarriela, nagsagawa agad ng initial health assessment ang medical team ng BRP Teresa Magbanua sa mga mangingisda kung saan napagalaman na isa sa mga narescue ang mayroong hypertensive condition na agad namang nabigyan ng mga paunang lunas.