Pormal ng nilagdaan at pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang 2024 General Appropriations Act (GAA) na nagkakahalaga ng PhP5.768 trillion sa isinagawang seremonya na ginanap sa palasyo ng Malacañang ngayong araw, December 20, 2023.
Ang 2024 GAA ay naka angkla sa framework na nakapaloob sa Fiscal Year (FY) 2024 National Expenditure Program (NEP) na siyang nakatutok sa pagkamit ng economic goals na tinukoy sa Medium-Term Fiscal Framework (MTFF) ng administrasyon at ang Eight-Point Socioeconomic Agenda na nakapaloob sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028.
Prayoridad nito ang mga bagay sa paggasta na sumusulong sa pagbabagong panlipunan at pang-ekonomiya sa pamamagitan ng mga programang nagtataguyod ng seguridad sa pagkain, pagbabawas ng mga gastos sa transportasyon at logistik, pinabuting sistema ng kalusugan, pinalakas na proteksyong panlipunan, maayos na pamamahala sa pananalapi at pinahusay na kahusayan sa burukrasya.
Ang pambansang badyet, na katumbas ng 21.7 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa, ay mas mataas ng 9.5 porsiyento kumpara noong nakaraang taon.
Ang paglagda ng Pangulo sa pambansang pondo ay sinaksihan nina Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Martin Romualdez, Finance Secretary Benjamin Diokno, Budget Secretary Amenah Pangandaman at iba pang mga mambabatas at mga mga miyembro ng gabinete.