-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Tiwala ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na mabigyang katuparan ang kanilang pinapangarap na cityhood.

Ito ay matapos na maaprubahan ng House Local Government Committee ang House Bill 4415 o Malay Cityhood Bill na layuning maging lungsod ang bayan ng Malay na siyang may hurisdiksyon sa pamosong Isla ng Boracay.

Nakalusot na kasi ito sa komite na pinangungunahan ni Aklan 2nd district congressman Florencio Miraflores.

Ayon kay Malay sangguniang bayan member Alan Palma Sr., malalaman ang kapalaran ng panukalang batas sa susunod na taon sa muling pagbukas ng session ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Ang pag-apruba aniya nito ay isang positibong hakbang patungo sa hinahangad na cityhood na tatawaging ‘City of Malay Boracay’.

Nabatid na noong Oktubre 6 ng kasalukuyang taon ay nagtipon-tipon ang mga residente para sa isang pampublikong konsultasyon kaugnay sa nasabing usapin.

Binigyang-diin ng LGU Malay na ang kanilang bayan ay isang first-class municipality na matagal nang nagsisilbi bilang isa sa mga nangungunang pintuan ng turismo at ekonomiya ng Pilipinas.

Ang panukala ay nananatiling naka-pending sa parehong 18th at 19th Congress at nirebisa ngayong taon ni Miraflores.

Naniniwala si Miraflores na kwalipikado ang Malay sa lahat ng mga kakailanganing mga requirements alinsunod sa isang batas noong 2022 na nag-amyenda sa Local Government Code ukol sa conversion ng mga munisipalidad at siyudad.