-- Advertisements --

Pinapatiyak ni Senator Francisco Pangilinan na ang mga labing narekober sa isang ilog sa Tuba, Benguet ay ang tunay na mga labi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral.

Umapela ang Senador kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na tiyaking maayos ang pagkakatukoy sa mga labi, kapwa ng mga otoridad at ng pamilya ng namatay na opisyal.

Dapat din aniyang dumaan ito sa validation.

Katwiran ng Senador, bagaman ayaw niyang maging ‘insensitive’ sa panahong may namatay, hindi biro ang bilyon-bilyong pisong nawala o ninakaw, tulad ng ikinakabit sa pangalan ng dating undersecretary.

Binigyang-diin ng Senador na ang pagpeke sa pagkamatay para lamang matakasan ang criminal liability para sa korapsyon ay dati nang nangyari, batay sa kasaysayan.

Sa panig ng DILG, una nang ipinag-utos ng ahensiya na isailalim sa DNA test ang mga labi ng narekober na katawan na sinasabing mga labi ni Cabral.

Una na ring kinumpirma ng pamilya ni Cabral ang pagkakakilanlan ng mga labi ngunit ayon sa mga otoridad, tumanggi ang pamilya na isailalim ito sa autopsy.

Sa kasalukuyan ay wala pang resulta ang DNA test.