-- Advertisements --

Pinalagan ng Embahada ng China na nakabase sa Maynila ang pagbatikos ni Senator Kiko Pangilinan sa military drills ng China sa palibot ng Taiwan.

Sa inisyung statement ng embahada, tinilugsa nito ang umano’y maling pahayag ng Senador na taliwas sa commitment ng Pilipinas sa one-China policy.

Ginawa ng Chinese Embassy ang pahayag matapos magbabala ang Senador na sa pamamagitan ng inilabas na statement ng kaniyang tanggapan na ang dalawang araw na military drills sa palibot ng isla ay nagdulot ng pangamba hindi lamang sa Taiwan kundi maging sa mga Pilipinong nagtratrabaho at nagbakasyon noong holidays doon gayundin sa mga bansang nasa Silangan at Timog-Kanlurang Asya.

Subalit, buwelta ng Embahada ng China na ang Taiwan ay parte ng teritoryo ng China at inihayag na ang isyu sa Taiwan ay isang panloob na usapin na hindi dapat pakialaman ng external interference.

Kaugnay nito, hinimok ng Chinese Embassy ang mga ‘relevant Philippine figures’ na tumalima sa matagal ng commitment ng Pilipinas sa one-China policy at itigil ang anila’y pagtulong sa paghihiwalay sa Taiwan para sa kasarinlan nito.

Una ng tinutulan ni Sen. Pangilinan ang ideya ng pagpapatupad ng kapayapaan sa pamamagitan ng military pressure at nagbabala laban sa pagsasanormal sa mga banta ng pagsalakay at malawakang war games sa rehiyon.

Nauna na ring nanawagan sa isang statement si Philippine Defense Secretary Gilberto Teodoro sa China na resolbahin ang hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng mapayapang paraan nang walang pamimilit o pananakot.

Binigyang-diin ng kalihim na dapat igalang ang international law, pairalin ang pagpigil sa sarili, at panatilihin ang mapayapang pagresolba ng mga sigalot.

Muling iginiit din ng Pilipinas ang suporta nito sa isang malaya, bukas, matatag, at rules-based na Indo-Pacific.