Nagbabala ang Philippine Psychiatric Association (PPA) laban sa mga pahayag na iniuugnay ang paggamit ng antidepressants sa pagtaas ng suicidal thoughts, at iginiit na walang sapat na batayang medikal ang ganitong mga claim at lalo lamang nagpapalaganap ng stigma sa mental health.
Ginawa ng grupo ang pahayag sa isang statement matapos ang mga ulat na nagpositibo umano sa antidepressants si dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral, habang patuloy na iniimbestigahan ang kanyang pagkamatay na inuri bilang suicide.
Ayon sa PPA, ang depresyon at suicidal behavior ay kumplikado at maraming salik ang pinagmumulan, at ang antidepressants ay isang lehitimo at epektibong gamutan kapag maayos na naireseta at mino-monitor.
Binigyang-diin ng samahan na ang hindi nagagamot na depresyon ay may mataas na panganib ng suicide, at ang walang batayang pagsisi sa antidepressants ay iresponsable at maaaring magpigil sa mga taong humingi ng propesyonal na tulong.
Kaugnay nito, nanawagan ang Psychiatric association para sa responsableng pamamahayag at maingat na pagtalakay sa isyu ng mental health.
















