Lumalabas sa forensic findings na posibleng kusang dumulas pababa sa bangin si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) USec. Maria Catalina Cabral sa kahabaan ng Kennon Road sa Tuba, Benguet, at hindi siya itinulak.
Ayon kay PNP Forensic Group officer-in-charge Col. Pierre Paul Carpio, walang ebidensiyang nagtuturo na may nagtulak kay Cabral.
Batay sa 3D scanning technology para ma-reconstruct ang lugar ng insidente, ipinakita ng scan na nasa 16.9 metro o katumbas ng 6 hanggang 9 na palapag ang lalim ng bangin mula sa kalsada.
Sinabi ni Col. Carpio na halos 0.2 metro lamang ang layo ng katawan sa paanan ng bangin, palatandaan kung may nagtulak, mas malayo sana ang bagsak. Nakitaan din ng mga gasgas sa kamay at likod si Cabral, indikasyong posibleng nagpadulas ang biktima.
Una rito, nakumpirma sa autopsy na ang sanhi ng pagkamatay ni Cabral ay blunt traumatic injuries dulot ng pagkahulog, at tinatayang nangyari ito sa pagitan ng alas-3 at alas-5 ng hapon noong Disyembre 18.
Lumabas din sa toxicology na umiinom si Cabral ng citalopram, isang antidepressant na maaaring magdulot ng antok at panghihina at maaaring makaapekto sa pagdedesisyon.
Bagama’t hinihintay pa ang DNA samples ng mga kamag-anak ng dating opisyal, sinabi ng PNP na nakumpirma na ang pagkakakilanlan ni Cabral sa pamamagitan ng fingerprint match sa rekord ng NBI.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon habang hindi pa nasusuri ang cellphone ng dating opisyal.
















