Ibinunyag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang umano’y pagtatago ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag sa kabundukan ng Cordillera Administrative Region.
Ang dating heneral ang itinuturong mastermind sa pagpatay sa beteranong broadcaster na si Percy Lapid, ilang taon na ang nakakalipas.
Sa isang panayam, sinabi ni Remulla na si Bantag ay pinoprotektahan ng mga lokal na tribo sa mga lugar kung saan siya nagtatago.
Hindi umano gumagamit ng cellphone ang dating opisyal at palipat-lipat lang ng tinutuluyan sa naturang rehiyon nang hindi gumagamit ng mga sasakyan.
Sa kasalukuyan ay mayroong P2 million na reward money para sa pagkaka-aresto ni Bantag.
Ito ay una pang ini-alok ng Department of Justice (DOJ) at ng National Bureau of Investigation (NBI) noon pang Hunyo 2023, halos isang taon mula noong masuspendi siya bilang BuCor chief.
Kasama ni Bantag na inakusahan sa naturang krimen ang kaniyang dating deputy na si Ricardo Zulueta. Mayroon ding P1 million na patong noon sa ulo ng pumanaw na dating BuCor official.














