-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagdadalamhati ang House Young Guns bloc sa pagpanaw ni Antipolo 2nd District Representative Romeo Acop.

Ayon kina Deputy Speakers Paolo Ortega at Jay Khonghun, at Reps. Zia Alonto Adiong, Ernix Dionisio, at Rodge Gutierrez, itinuring nilang ama si Acop, na gumabay sa kanila simula ika-19 na Kongreso.

Hinangaan nila si Acop bilang huwarang mambabatas at isang karangalang makatrabaho.

Bilang co-chair ng House Quad Committee, nag-iwan siya ng pamana ng katotohanan at pananagutan.

Ayon kay Adiong, si Acop ay isang statesman na nag-alay ng buhay sa paglilingkod, batay sa disiplina, integridad, at paninindigan sa batas.

Itinuro niya ang tamang paggawa ng batas, pananagutan, at maayos na pagtatanong sa mga pagdinig.

Nagpaabot din ng pakikiramay si House Public Accounts Committee Chair Terry Ridon, at sinabing ipagpapatuloy ng Quad Committee ang laban ni Acop sa katiwalian, papanagutin ang lahat ng sangkot, at itutuloy ang makabuluhang pagbabago sa pagpapatupad ng batas at maayos na pamamahala.

Inalala rin ni Deputy Minority Leader Rep. Leila de Lima si Acop bilang matatag na imbestigador sa mga sensitibong isyu tulad ng POGO, war on drugs, fake news, at korapsyon.