-- Advertisements --

Binabantayan na ng mga awtoridad ang kahabaan ng Kennon Road kung saan natagpuan ang katawan ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral, ilang araw na ang nakakalipas.

Bago mag-Pasko ay naglagay na ang ahensiya ng mga signage sa mismong lugar at sa mga katabi nito bilang babala sa mga motorista na magtatangkang tumigil dito, upang kumuha ng selfie, video, o gumawa ng vlog.

Una nang ipinaliwanag ng DPWH na ang naturang hakbang ay upang mapigilan ang labis na traffic sa naturang lugar, kasunod ng pagkukumpulan ng mga sasakyan sa kahabaan ng naturang kalsada.

Ayon sa ahensiya, ang bagong regulasyon ay upang maprotektahan ang kapakanan ng publiko, mga motorista, at mga bibisita sa Baguio atbpang katabing lugar.

Samantala, sa kabila ng mga inilagay na signages ay may ilan pa rin umanong nagpupumilit na tumigil sa lugar kaya’t nagdedeploy na ang pulisya ng regular patrolers upang mabantayan ang lugar. Pangunahing nagbabantay dito ang mga pulis mula sa Tuba Police Station.

Kung babalikan ang naunang testimoniya ng driver ni Cabral na si Ricardo Hernandez, bago ang pagkamatay ng dating undersecretary ay una silang sinita ng mga pulis matapos pansamantalang tumigil sa naturang lugar.

Nag-alok pa aniya ang mga pulis na alalayan ang sila mula sa naturang lugar patungo sa mas ligtas na lugar.