Isinuko na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Office of the Ombudsman ang lahat ng computer at files na ginamit ng yumaong dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, bilang pagsunod sa Subpoena Duces Tecum ng Ombudsman o ang subpoena para magsumite ng mga dokumento o ebidensya.
Ayon sa DPWH, kabilang sa mga isinumiteng dokumento ang records at request for consideration kaugnay ng programming ng National Expenditure Program (NEP) sa nakalipas na sampung taon.
Ang mga ito ay isinuko ng ilang DPWH undersecretaries at kasalukuyang isinelyo na ng Ombudsman para sa digital forensic examination.
Sinabi naman ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na mananatiling selyado ang mga kagamitan habang isinasagawa ang pagsusuri.
Aniya, interesadong makuha rin ng Ombudsman ang cellphone ni Cabral, bagama’t ito ay nasa saklaw ng imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP).
Si Cabral ay natagpuang walang malay noong Disyembre 18 sa Tuba, Benguet at idineklarang patay kinabukasan. Habang may indikasyon ng posibleng suicide, iginiit ng PNP na patuloy pa rin ang imbestigasyon.
Nagbitiw si Cabral noong Setyembre kasunod ng mga alegasyon laban sa kaniya hinggil sa maanomaliyang flood control projects.















