Naghatid ng saya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Pasko matapos niyang game sagutin ang mga nakakatawang tanong ng mga netizen tungkol sa mga tradisyon tuwing Kapaskuhan, tulad ng gift exchange, handa sa potluck, at pagbibigay ng regalo ng mga ninong at ninang.
Sa kanyang BBM Vlog, pabirong sinabi ng Pangulo na kahit marami na siyang iniisip sa trabaho, nadagdagan pa ito dahil sa mga tanong ng netizens.
Tungkol sa gift exchange, sinabi ng Pangulo na mahalagang pahalagahan ang anumang regalong matatanggap. Maaari rin aniyang ipasa ang regalo sa iba kung mas makikinabang sila rito.
Pagdating naman sa pagkain tulad ng leche flan at lumpiang shanghai, sinabi ng Pangulo na ang Pasko ay panahon ng kasiyahan at hindi ng pag-iingat sa dami ng kinakain. Paalala rin niya sa mga maghahanda na magluto ng sapat para sa lahat at may maiuuwi pa.
Nang tanungin kung paano sasagutin ang mga kamag-anak na nagsasabing tumaba, pabirong sagot ng Pangulo: “Oo nga eh. Ikaw din.”
Kasama rin ng Pangulo sa vlog si First Lady Louise Araneta Marcos na nagsabing wala siyang stress tuwing Pasko at masaya siya.
Tungkol naman sa mga ninong at ninang, pabirong sinabi ng Pangulo na hindi sila makakaiwas sa pamasko. Iminungkahi rin niya ang pagpapadala ng pamasko gamit ang e-wallet.
Sa tanong kung ano ang pinakamadaling dalhin sa potluck, simple ang sagot ng Pangulo na spaghetti.










