Naniniwala si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na may tamang panahon at lugar para ilabas ang files na umano’y ibinahagi noong nabubuhay pa si dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng infrastructure projects.
Bagamat welcome para kay Lacson ang mga hakbang upang masecure ang mahahalagang dokumento, kabilang ang ginawa umano ni Batangas Rep. Leandro Leviste, iginiit niya na ang pagbubunyag ng impormasyon ay dapat dumaan sa wastong proseso at may paggalang sa pamilya ng namatay.
Ayon sa Senador, mas nararapat munang bigyan ng panahon ang pamilya ni Cabral na magluksa, at ang paglalabas ng mga dokumento ay dapat gawin ng mga kinauukulang awtoridad sa tamang oras at tamang venue.
Nilinaw din ni Lacson na hindi siya pamilyar sa nilalaman ng mga dokumentong hawak ni Leviste, ngunit sinusuportahan niya ang mga lehitimong hakbang para ilantad ang katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno.
Dagdag pa niya, matagal na niyang ipinasa sa Independent Commission for Infrastructure, Office of the Ombudsman, at Department of Justice ang lahat ng dokumentong hawak niya kaugnay ng mga anomalya, kabilang ang mga ginamit sa kanyang privilege speeches at sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee para may magamit na batayan sa patuloy na imbestigasyon sa flood control anomaly.
















