Humiling ang American rap mogul na si Sean “Diddy” Combs sa korte ng apela sa Estados Unidos na siya ay pansamantalang palayain mula sa pagkakakulong at tuluyang ibasura ang naging hatol laban sa kanya kaugnay ng dalawang kasong may kinalaman sa prostitusyon.
Sa kanyang apela, iginiit ng kampo ni Combs na mali at labag sa batas ang ipinataw na 50-buwang sentensiya o mahigit apat (4) na taong pagkakakulong, at iginiit na ang mga aksyong ginamit bilang batayan ng pag-hatol ay hindi dapat ituring na kriminal.
Bilang alternatibo, hiniling din ng kanyang mga abogado na muling bigyan ng bagong sentensiya ang rapper kung hindi man tuluyang ibasura ang kaso.
Matatandaang sa panahon ng paglilitis, inakusahan si Combs ng pamimilit na makipagtalik sa ilang kababaihan gamit ang kanyang kapangyarihan at impluwensiya sa industriya ng musika.
Gayunman, siya ay napawalang-sala sa mas mabibigat na kaso gaya ng sex trafficking at racketeering. Sa kabila nito, napatunayang nagkasala si Combs sa dalawang bilang ng pagdadala ng tao upang masangkot sa prostitusyon.
Sa desisyon ng hukuman, iginiit ng hukom na hindi sapat ang mga nagawang kabutihan at kontribusyon ni Combs upang mapawalang-bisa ang kanyang pagkakasala.
Samantala, patuloy pa rin siyang nahaharap sa ilang kasong sibil na may kaugnayan sa umano’y sexual abuse, na mariing itinanggi ng kanyang mga abogado.















