-- Advertisements --

Tumestigo ang dating manlalaro ng basketball ng Syracuse University at personal assistant ni Sean “Diddy” Combs noong Biyernes ukol sa nagpapatuloy na sex trafficking trial ng kilalang music mogul.

Ayon kay Brendan Paul, 26, naging malikhain si Combs kapag nasa ilalim ng impluwensiya ng droga. Inamin ni Paul na bumili siya ng droga para kay Combs ng lima hanggang sampung beses, kabilang ang cocaine, ketamine, ecstasy, at marijuana, at minsan ding gumamit ng “pink cocaine” sa utos umano ni Combs para patunayan ang kanyang “katapatan.”

Nabatid na naaresto si Paul noong Marso 2024 sa Miami airport matapos makuhanan ng cocaine, na ayon sa kanya ay pag-aari ni Combs. Tinanggal ang kaso laban sa kanya matapos siyang sumailalim sa pretrial diversion program.

Sa ilalim ng immunity, ikinuwento niya sa korte ang kanyang 1.5 taong karanasan bilang assistant ni Combs, kabilang ang mga utos kaugnay sa iligal na droga. Nang tanungin kung masasabi niyang kriminal si Combs, iginiit niyang hindi siya magtatrabaho para sa isang kriminal.

Sa kabilang banda nasa ikaanim na linggo na ang paglilitis laban kay Combs, na inakusahan ng pasimuno umano nito sa isang malawakang sex trafficking at racketeering operation sa loob ng dalawang dekada.

Kasama sa mga tumestigo ang dating kasintahan, dating empleyado, male sex workers, at maging ang rapper na si Kid Cudi. Nagpakita rin sa korte si Ye (dating kilala bilang Kanye West).

Nakakulong si Combs sa Brooklyn matapos maaresto noong Setyembre 2024, at inaasahang matatapos ang kaso ng prosekusyon sa Lunes.

Kasabay nito, nakatakdang gawin din ang defense presentation na inaasahang tatagal ng dalawa hanggang limang araw.