-- Advertisements --

Inilahad ni Filipino-American Casandra Ventura ang mga umano’y matagal at paulit ulit na ginagawang pisikal at emosyonal na pang-aabuso sa kanya ni Sean “Diddy” Combs.

Ang naturang pahayag ay matapos humarap sa hukuman sa Estado Unidos si Cassie sa pagpapatuloy ng federal na paglilitis laban sa music mogul na si Diddy.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Cassie na sinasaktan siya ni Combs — sinisipa, sinasampal, at inaabuso pa umano siya sa tinatawag nitong “freak-off” sex parties na pinamumunuan umano ng music producer.

Isiniwalat din niya ang mga insidente ng pambababoy at ang paggamit ng bayarang mga lalaking escort, pati na rin ang kanyang paggamit ng droga upang makayanan ang sitwasyon.

Ipinakita rin sa korte ang CCTV footage mula 2016 na nagpapakita ng pananakit ni Combs kay Cassie sa isang hotel. Ayon kay Cassie, pinilit pa rin siyang dumalo sa isang movie premiere habang may mga pasa sa mukha at katawan.

Itinanggi ng kampo ni Combs ang mga paratang at sinabing boluntaryo ang mga ginagwang pagsama ni Cassie at hindi ito maituturing na human trafficking o racketeering.

Samantala nakatakdang tumagal ang paglilitis ng 8 hanggang 10 linggo.