Tinanggihan ng isang Federal Court ang kahilingan ni Sean “Diddy” Combs na makapagpiyansa habang hinihintay ang kanyang sentensiya kaugnay ng pagkaka-convict sa kasong prostitusyon.
Simula noong Setyembre ay nakakulong na si Combs matapos maaresto sa kasong pagkumbinsi umano sa kanyang mga dating kasintahan na makipagtalik sa mga lalaking sex worker ng naka-droga habang siya ay nanonood at nagre-record.
Bagama’t napawalang-sala siya sa mas mabibigat na kasong racketeering at sex trafficking, nahatulan siya sa dalawang bilang ng prostitusyon.
Ayon kay Judge Arun Subramanian, hindi napatunayan ng kampo ni Combs na siya ay hindi banta sa lipunan o posibleng tumakas.
Tinukoy ng hukom ang mga ebidensiyang nagpapakita ng karahasan, pamimilit, at pang-aabuso.
Itinanggi rin ng hukom ang $50 million piyansa na may kasamang house arrest, electronic monitoring, at private security.
Nakatakdang hatulan si Combs sa Oktubre, at posibleng humarap siya sa hanggang 10 taong pagkakakulong.