-- Advertisements --

Tiniyak ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan na may sapat na safeguard o pananggalang na nakapaloob sa Bicameral Conference Committee–approved na P6.793 trilyong 2026 national budget na magtitiyak na ang mga programa at proyekto ng gobyerno ay hindi mapupulitika at direktang mapapakinabangan ng mamamayan.

Ayon kay Yamsuan, kasalukuyang pina plantsa na ng technical staff ng Senado at Kamara ang pinal na bersyon ng panukalang badyet at mga special provision na inaprubahan ng Bicam noong Disyembre 13 hanggang 17.

Kabilang sa mga pangunahing dagdag-pondo ang P1.38 trilyon para sa edukasyon at halos P130 bilyon para sa PhilHealth. 

Tumaas din ang pondo ng mga ospital ng DOH at ng Health Facilities Enhancement Program.

Binigyang-diin ni Yamsuan na may malinaw na safeguard sa mga proyektong pang-imprastraktura ng DPWH, kabilang ang paglalagay ng geographic coordinates at transparency portal para sa publiko.

Pinabulaanan din ni Yamsuan ang alegasyon ng pork barrel sa 2026 budget, at ipinaliwanag na ang mga programang tulad ng MAIFIP ay hawak ng DOH at hindi ng mga mambabatas, at layong tumulong sa mahihirap na pasyente habang hindi pa ganap na naipapatupad ang Universal Health Care.

Giit ni Yamsuan, ang mahalaga ay maipatupad nang maayos ang badyet upang tunay na maramdaman ng taumbayan ang mga serbisyo ng gobyerno.