Inilarawan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang pagkamatay ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral bilang “unfortunate and tragic,” dahil isa siya sa pangunahing saksi sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa anomalya sa mga flood control projects.
Nakipag-ugnayan si Cabral sa tanggapan ni Lacson sa pamamagitan ng kanyang abogado upang talakayin ang magiging testimonya, matapos siyang mabanggit sa umano’y pagtulong sa ilang mambabatas para sa mga “ghost projects” kapalit ng kickbacks. Bagama’t tila handa siyang makipagtulungan, napansin ang matinding presyur na kanyang nararanasan.
Pinili ni Cabral na magtiwala kay Lacson dahil sa reputasyon nito na hindi gumagamit ng pork barrel o proyekto bilang kapalit ng pondo.
Binigyang-diin ni Lacson na bilang Planning Undersecretary, si Cabral ang responsable sa paghahanda ng listahan ng mga proyekto ng mga politiko. Aniya, umaasa siyang may iniwang tala o dokumento si Cabral na maaaring magsilbing ebidensya sa nagpapatuloy na imbestigasyon.















