-- Advertisements --

Inanunsyo ng National Police Commission (NAPOLCOM) na tuluyan nang natapos at naresolba ang mga pending cases sa kanilang tanggapan kabilang na dito ang mga kasong halos 25 taon na ang natengga.

Sa isang pahayag, sinabi ni NAPOLCOM Commissioner, Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan na ‘zero backlogs’ na ang kanilang tanggapan pagdating ng Martes, Disyembre 23 kung saan din ito nakatakdang pormal na ianunsyo.

Ayon sa NAPOLCOM, matagumpay nilang natapos ang mga pending cases sa tulong na rin ng kanilang pagtutulungan, disiplina at integridad kung saan binigyang diin din ng komisyon ang kanilang pangako na magbigay ng isang responsive service sa publiko.

Samantala, nagpahayag naman ang komisyon ng matinding pagkondena sa pagpatay sa isang pulis sa Candelaria, Quezon Province nito lamang Disyembre 19.

Ayon sa komisyon, ang mga ganitong aksyon ay hindi maaaring pahintulutan at agad na ipinagutos ang agarang pag-identify, pagaresto at prosekusyon sa mga suspek.