Pumayag ang International Criminal Court (ICC) sa parehong kahilingan mula sa kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at prosekusyon na magdagdag pa ng mga ebidensiya para sa confirmation of charges hearing sa susunod na linggo.
Sa desisyong inilabas nitong Pebrero 20, kinatigan ng Pre-Trial Chamber I ang ikalawang request ng depensa na magdagdag ng “items” sa listahan ng kanilang ebidensiya at ang hiling ng prosekusyon na magdagdag ng 14 items sa kanilang list of evidence.
Sa parehong araw, kinumpirma ng Prosekusyon na hindi nito tinututulan ang pagtanggap ng material na nakalista sa Annex A ng request ng depensa at hiniling sa Chamber na tanggapin ang 14 items sa kanilang listahan ng ebidensiya, kung saan nilinaw nito na walang pagtutol dito ang panig ng depensa.
Ipinaliwanag naman ng ICC Pre-Trial Chamber I na may sapat na dahilan upang ipagkaloob ang mga naturang kahilingan nang hindi nagdudulot ng undue prejudice o pinsala sa alinmang panig.
Nauna na ring pumayag ang naturang Chamber sa hiling ng dating pangulo na huwag humarap sa kaniyang confirmation of charges sa susunod na linggo.















